Director's

Message

Pananaliksik para sa ikauunlad ng bawat magsasaka at mangingisda ang aming adhikain.

Higit sa pagiging kabuhayan, ang Agrikultura at Pangisdaan ang pinagmumulan ng pagkain nating lahat at isang mahalagang kontribusyon sa ikauunlad ng ekonomiya at sa pagiging matatag at malaya ng isang bansa.

Bilang Kawanihan ng Kagawaran ng Agrikultura, malinaw ang mandato ng DA-Bureau of Agricultural Research - na pagbuklurin at palakasin ang lahat ng agenda o plano sa pananaliksik ng lahat ng sangay ng Kagawaran upang masiguro na ang mga kaalaman, teknolohiya at inobasyon na makukuha sa mga isinagawang pananaliksik ay madaling gamitin, kapaki-pakinabang at makakarating sa ating mga magsasaka at mangingisda para sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Pakikipagtulungan ang pundasyon ng aming lakas sa pagpapatupad ng mga programa at kaisa namin dito ang mga DA Regional Field Offices, State Universities and Colleges, Lokal na Pamahalaan, Pribadong Sektor at maging ang mga International Organizations. Silang lahat ay taos-pusong nakikiisa sa aming mga plano at prayoridad sa pananaliksik, nakikipagpalitan ng kaalaman at kasanayan para sa kapakanan ng lahat.

Kaya sa ngalan po ng Kagawaran ng Agrikultura, ang lahat ay malugod naming inaanyayahan, hindi lamang para bisitahin ang nilalaman ng aming website upang malaman ang mga programa at proyekto na aming ipinatutupad, kundi para maging kaisa namin sa layunin na mapalakas at mapatatag ang pagsasaka at pangisdaan upang maisakatuparan ang sapat at masustansiyang pagkain para sa lahat.

Ito po ang adhikain ng DA-BAR at nang bawat Pilipino sa Bagong Pilipinas! Mabuhay po ang lahat !